Pages

Thursday, June 12, 2014

Pilipino Ako

Noong bata ako sobrang kulit ko. Gusto ko man maglaro sa kalye kasama ibang mga bata pero di ako pinapayagan ng magulang ko. Delikado daw kasi. Nung minsan sinubukan ko mag-ober da bakod, ayun sumabit yung paborito kong daster sa gate at napunit. Nakapaglaro ako sandali kasama mga bata sa labas pero nahuli ako agad. Siyempre napagalitan ako. Di nako umulit kasi nakadampot ako ng ipot - napunit ang paborito kong daster!!!

So ang naging mga kalaro ko ay ang aming mga kasambahay at ang yaya ko. Bata palang ako hindi na ako mahilig sa habulan. Minsan lang ako naglaro ng cops and robbers. Mas hilig ko maglaro ng piko at chinese garter. Ibang usapan rin ang patintero. Minsan lang kung mabait ang mga kalaro (haha). Madalas naglalaro ako ng mga bigay na manyika sa akin at bahay-bahayan. Kung minsan pinapayagan ako ng magulang ko makipaglaro sa bahay ng Ninang ko na may kubo. Mas masaya mag-bahay-bahayan dun.

Bata palang ako nakahiligan ko nang magturo. Hindi ako mahilig matulog after lunch. Di na rin ako pinipilit kasi nakikipagtitigan lang ako sa yaya ko. Kaya kapag hapon ang laro ko ay "teacher-teacher-an". Tinuturuan ko yaya ko magsulat at magbasa. Strikto ako, kelangan gawin nila yung mga exercises at homework. Mabuti na lang mabait yaya ko at sumusunod naman siya.

Isa yun sa mga pinaka-masaya kong alaala. Nung bata ako gusto ko sana maging arkitekto. Kaso walang hilig sa akin ang pagdra-drawing. Ang alam ko lang i-drawing eh mansanas, puno ng niyog, bundok, ang Mayon Volcano, at ang araw. Wala talaga ako pag-asa sa pag-dra-drawing. Dahil dun hindi ko talaga alam kung ano kukunin ko pagdating sa college.

Nakatapos ako ng dalawang degree nung college at nag-MBA, pero kahit anong trabaho ko bumabalik at bumabalik pa rin sa pagtuturo. Isang beses lang ako pormal na nagturo sa school pero lahat ng naging trabaho ko lagi ako nagtuturo. Doon ako masaya kahit na madalas nahihiya pa rin ako magsalita sa harap ng maraming tao.

Naisip ko ikwento ito sa ating Independence Day. Wala naman koneksyon pero naisip ko kung hindi tayo nakalaya noon siguro ibang iba ang pamumuhay natin ngayon. Hindi ko ma-imagine na hanggang ngayon eh lahat ng Pinoy maging indio pa rin. Kung siguro nangyari yun lahat ng ginagawa ko ngayon ay hindi ko magagawa.

Pinagmamalaki ko na isa akong Pilipino at lagi ko ito sinasabi kapag nasa ibang bansa ako. Madalas kasi hindi ako napagkakamalang Pinoy. Mukha daw akong lokal kahit saan ako pumunta (kahit sa Bangladesh, pramis!). Pero madalas nahuhuli nila lahi ko dahil sa aking "thick Filipino accent". Ayoko kasi mag-slang-slang dahil hindi ko naman kinalakihan yun.

Pilipino ako. Sa isip, sa salita at sa gawa. :)

(Siguro kung sipagin ako mamya, i-translate ko ito).

No comments:

Post a Comment